Pag-review sa oil deregulation law ng Kongreso, napapanahon na – Palasyo

Inihayag ng Malacañang na napapanahon na para i-review ng Kongreso ang oil deregulation law, kasunod ng malakihang pagsipa ng presyo ng langis.

Sinabi ito ng Palasyo ngayong apektado na ang global supplies sa nagpapatuloy na kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ayon kay acting Cabinet Secretary Melvin Matibag, makikipagpulong ang Department of Energy at Department of Finance kay Pangulong Rodrigo Duterte para hilingin ang suspensyon ng fuel excise tax lalo na’t sunod-sunod ang implementasyon ng oil price hikes bawat linggo.

Dagdag ni Matibag, nabanggit rin ng Pangulo na posibleng magpatawag ito ng emergency session para sa Kongreso dahil sa pangangailangan ng legislation para matugunan ang nagbabadyang problema.

Nitong Martes ay nag-implementa muli ang mga kompanya ng langis ng panibagong malakihang price hike sa presyo ng mga produktong petrolyo, na nagmamarka sa ika-11 sunod na linggo ng mga pagtaas.

Tumaas ang mga kada litro ng gasolina ng P7.10, diesel ng P13.15, at kerosene ng P10.50.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *