Pagsunod sa health protocols ng mga pribado at pampublikong sasakyan sinilip ng HPG

CAMARINES NORTE – Maliban sa lingguhang Oplan Lambat Bitag Sasakyan, madalas din ngayon ang pagsasagawa ng Oplan Sita ng PNP- Highway Patrol Group katuwang ang mga local enforcers upang tingnan kung nakakasunod ang mga pribado lalo na ang pampublikong sasakyan sa umiiral na health protocols.

Sa gitna na rin ito ng kumpirmasyon ng Department of Health (DOH) ng pagkakaroon na ng local transmission ng Delta variant ng COVID- 19 sa bansa.

Kahapon, isa- isang pinara ng HPG ang mga pribado at pampublikong sasakyan sa may bahagi ng Mercedes Road para paalalahanan ang mga ito sa kahalagahan ng pagsunod sa health protocols upang makaiwas sa COVID- 19

Kasabay nito ang pamimigay ng mga flyers na naglalaman ng mahahalagang paalala.

Sa mga pampublikong sasakyan, ipinaalala ng HPG ang pagsusuot ng face mask at face shield at tiningnan kung nasusunod ang social distancing.

Ipinagbabawal din ang pagkukwentuhan, pagsagot ng telepono at pagkain sa loob ng sasakyan.

Ayon naman kay   acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco anumang COVID- 19 variant ang lumabas ay kailangang palakasin ang containment strategy at mahigpit na pagsunod sa health protocols, tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, paghuhugas ng kamay, pagsunod sa social distancing measure at pag iwas sa matataong lugar.

Ganito rin ang paalala ng DOH na sinabing “best preventive measures” pa rin ang pagsunod sa Minimum Public Health Standards laban sa pag mutate ng virus.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *