Philippine Coast Guard may paalala sa mga mangingisda lalo na ngayong palapit na ang amihan season

CAMARINES NORTE- Pinaalalahanan ng Philippine Coast Guard ang mga mangingisda lalo na ang mga maliliit na bangka na pag ibayuhin ang pag iingat at maging mapagmatyag sa lagay ng panahon ngayong papalapit na ang amihan season kung kailan inaasahan din ang madalas na pagtama ng mga bagyo sa lalawigan.

Ayon kay Chief Petty Officer Mario Allan Rosales, Acting Public Information Officer ng Camarines Norte Coast Guard Station, ugaliin daw sana ng mga ito na magpaalam sa mga Kapitan ng barangay kung saan at kailan papalaot at kung kailan din babalik.

Importante umano ito upang madaling ma- locate sakaling magkaroon ng aberya.

Aniya noon pa nila ito sinasabi pero aminado ang Coast Guard na hindi naman naipapatupad sa mga Barangay.

Mababatid na ang mga malalaking bangka lang ang nagpapaalam sa Coast Guard kapag lalaot dahil ang mga maliliit ay sakop na ng mga Local Government Unit.

Pinaiigting naman ngayon ng Coast Guard ang kanilang network para sa mabilisang reporting ng mga pangyayari sa karagatan.

Una nang sinabi ng Pagasa na posibleng sa susunod na buwan ay magkaroon na ng transition mula sa habagat patungong amihan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *