PNP IAS, nagsagawa ng custodial facility inspection

Nagsagawa ng custodial facility inspection ang PNP Internal Affairs Service (IAS) kahapon ng umaga, kung saan binisita nito ang custodial facility ng Sorsogon City Police Station sa Brgy Pangpang.

Sa panayam ng Brigada News, sa Acting Provl Supt ng Sorsogon IAS na si PLtc Manuel Jeric Briones, sinabi nito na ang aktibidad ay naglalayong tiyakin na ang mga ‘persons under police custody’ o PUPC ng bawat istasyon ay makataong pinapangalagaan ng PNP, kasama na rin dito ang pagtitiyak ng wastong pamamahala ng pasilidad katulad ng pag-obserba ng kalinisan upang maiwasan ang posibleng impeksyon at iba pang sakit.

Gayundin ang accounting ng mga detainees kung ang mga ito ay nasampahan na ng kaso at hindi iligal na nakadetene.

Ayon pa kay PLtc Briones, ipinag-utos ni PNP Chief Gen Benjamin Acorda ang regular na inspection ng detention facility upang matiyak ang proteksyon ng mga karapatan ng mga naarestong indibidwal.

Kung babalikan, noong Hunyo ng kasalukuyang taon ay inaresto ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang isang police station commander sa Angeles City, Pampanga at 6 na iba pang pulis dahil sa umano’y labag sa batas na pag-aresto at arbitraryong pagkulong sa 13 sibilyan.

Napag-alaman na ang mga sibilyan na nakulong ay walang anumang reklamong inihain laban sa kanila, walang entry sa official police blotter at sa crime information reporting and analysis system o CIRAS ng istasyon kaugnay sa kanilang pagka-aresto subalit ang mga ito ay nakakulong.

Ang IAS ng PNP ay isang mahalagang bahagi ng mekanismo ng pagdidisiplina ng PNP. Ito ay nagsisilbing monitoring body ng karakter at pag-uugali ng lahat ng mga pulis at nagpapatakbo bilang investigating at adjudicatory body sa lahat ng administrative offenses na ginagawa ng PNP personnel.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *