Relocation site para sa mga nakatira sa danger zone sa bayan ng Mercedes handa na- LGU

CAMARINES NORTE- Inihayag ni Municipal Administrator Elmer Nagera na mayroon nang nakahandang relocation site ang Lokal na Pamahalaan ng Mercedes Camarines Norte para sa mga nakatira sa tabing dagat na itinuturing na “danger zone”.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Nagera na nakahanda na ang relocation site sa Barangay 3 na mayroong 151 housing units at mayroon pa umanong ilalaang P12 milyon ang LGU para sa karagdagang 50 units.

Yung sa brgy 3 titirhan na lang, magandang- maganda, pati drainage system, water system, electrical, sinagot ng National Housing (Authority),” ani Nagera.

Posible umanong bago matapos ang taon ay ma-i- award na ito sa mga identified resident.

“Siguro bago matapos ngayong taon, nagda- draft na kami ng mechanics ng pag award saka yung content ng award na ipapasa namin sa Sangguniang Bayan para magkaroon ng authority si Mayor sa pagpirma ng award dun sa mga beneficiary”.

Mayroon din umanong isa pang relocation site sa Barangay San Roque na may lawak na walong ektarya.

“Yung preparation namin joint with the National Housing, ang hinihirit na nga namin sa kanila is the site development, saka yung mga housing unit na, meron naman talagang mga project ang National Housing sa ganung klaseng project ng munisipyo.”

Maliban sa Baranggay 3 at San Roque, ay mayroon din umanong lupain ang LGU sa Sitio Puti sa Barangay Gaboc na may kalayuan sa sentro at kakailanganin pang tumawid ng dagat.

Malayo ito sa hanapbuhay ng mga apektadong pamilyang ire- relocate sa lugar pero paliwanag ni Nagera ay nagiging “futuristic” lang ang LGU.

“Ang kaisipan naman ng LGU “futuristic” kung sakaling ma- relocate sila dun not necessarily habang buhay na walang hanapbuhay dun, kasi isa nga  kaya nga itong sea wall ay ginagawa sabi ng public works magiging preparasyon din ito sa tulay na gagawin na mangyayari in the future”.

Nilinaw rin ni Nagera na mayroon mang project o wala ay talagang ire- relocate ng LGU ang mga nakatira malapit sa dagat.

Sa ngayon kasi ay ginagawa ang expansion ng Cory Aquino Boulevard na pansamantalang nahinto muna ang patrabaho dahil sa ilang mga usaping kailangang resolbahin.

Matatandaan na nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan kamakailan na nanawagan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na suspendihin at ipagpaliban muna ang construction ng road at sea wall project sa Barangay San Roque at Baybay area ng Barangay Uno.

Ni- require ng SB ang DPWH na magsagawa muna ng public consultation sa nasasakupang barangay at kumuha ng endorsement sa una alinsunod umano sa Local Government Code.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *